Hindi ako naniniwalang scriptwriter tayo ng buhay natin. Hindi rin direktor. Tayo lang ang bidang artista (sino ba namang gustong maging kontrabida, ‘di ba?) Napaka-cliche na kasi ng kasabihang laging ginigiit na scriptwriter at director tayo ng buhay natin at tayo ang may hawak ng ating istorya.
Kung scriptwriter tayo e ‘di sana iniwasan na natin lahat ng eksena sa buhay na maaaring makasakit at maka-down sa pagkatao natin at ang nilagay na lang natin eh mga mild emo scenes at mga masasayang alaala na nais nating ilagay on replay. Meron na sana tayong ma-ala Disney love story o ‘di kaya pang Motion Picture. Sana lahat ng Climax eh walang panira at lahat ng ending eh masaya. Kaso hindi, ‘di ba? Hindi.
Hindi rin tayo ang direktor kasi hindi natin hawak ang sitwasyon, wala naman tayong alam sa mangyayari bukas, kahit nga si Zenaida sa Umagang Kay Ganda eh naniniwalang ang mga bituin eh gabay lamang at freewill pa rin at spontaneous moments ang iiral. Siguro ang na-didirect lang natin eh ang mga decision pero ang mismong situation hindi. Maaaring maganda ang decision mo pero palpak ang sitwasyon kaya wala rin. Hindi rin tayo ang may last say kung meron pang-Take 2 ang buhay o kung meron pa bang taping sa susunod na araw.
Tayo ang bidang artista, sumusunod sa tunay na direktor at sa nakalatag ng script sa buhay na nakasalalay sa’tin kung pa’no natin i-a-akto. Sa’tin nakasalalay kung bebenta ba ang pelikula o magiging imbakan lang ‘to ng mga alaalang puno ng basura. Tayo ang hahatak sa tao, meron kanya-kanyang love interest at antagonist na hindi mo maiiwasan. Wala tayong double. ‘Yun lang ang pinagka-iba. Kaya ‘pag nasaktan ka, walang sasalo para sa nararamdaman mo. Sa acting mo nakasalalay kung papalakpakan ka ng tao o uuwian ka lang nila ng dismaya.
Kaso may isa lang akong tanong.. Sino nga pala ang producer?