Ang buhay ay maaring madaan sa isang simpleng eksplanasyon na hindi na kailangan pang pahabain upang lubos na maintindihan. Isang simpleng parirala o pangungusap na madaling maintindihan. Para sa akin, ang buhay ay isang eksperimento. Saan? Sa ating sariling pagkatao. Eksperimento upang maunawaan natin kung ano ang mga bagay na kailangan nating pahalagahan at kung ano ang kailangang bitiwan gamit ang ating sariling utak at desisyon. Sa mundong ito, masasabi natin na lahat ay mahalaga. Pero, ano nga ba talaga ang buhay ng isang tao, ordinaryo man o hindi, mayaman man o mahirap.
Sa buhay ng tao, marami ang nararanasang problema, mga unos na dapat nating paglabanan. Ang mga pagsubok na ibinigay sa atin ng Diyos, na kailangan nating lampasan, na siya din namang nagpapalakas sa katatagan at pagkatao ng isang nilalang.
Marami nang kakaiba sa mundo ngayon. Maraming wirdo. Maraming mahirap intindihin. maraming mga taliwas sa nakikita at sa hindi. Maraming mga bagay na iba-iba ngunit kapag ating sinuri ay pareho lamang pala. Maraming akala mo ay totoo. Maraming totoo na mukha namang hindi. Marami kang makikitang hindi kapanipaniwala.
Oo, ang mundo, kung ating titingnan ay magulo, pero kung nanamnamin natin, tatanggapin, masaya naman talaga. Marami ang nagpapasaya sa iyo. Marami kang nakikitang nagugustuhan mo. Hindi man natin maintindihan ang ibang bagay alam mong ang mundo’y sadyang puno ng kulay.
Tulad ko, na minsan nang dumaan sa panahong gulong-gulo. Ayoko na, pero ginagawa ko. Masaya pero lumuluha. Nasasaktan pero laging nariyan. Matamlay pero laging nakaagapay. Ayaw maniwala pero sumusuporta. Malungkot pero nakangiti. Kontento pero kulang. Buhay pero tila walang bukas.
Natural siguro sa isang tao na dumaan sa buhay na naguguluhan ka sa katotohanan. Pagdaraanan at pagdaraanan ang kakaibang hanap sa tunay na pagkatao. Totoo ngang mahirap ang mga oras na ganito ngunit ang mahalaga matatag ang iyong paniniwala at alam mo ang lugar mo sa mundo. Hindi ka man maintindihan ng nakakarami ngunit alam mong may isang hindi ka iiwan, malimutan mo man minsan ang iyong sarili, babalik ka rin sa iyong pinanggalingan. Bagay na minsan ay labag sa iyong kalooban ngunit yan ang katotohanang na dapat isa loob mo dahil minsan bukod kay Bro, sarili mo lang ang tanging magiging kakampi at tagapagtanggol mo. At iyan ang buhay na puno ng eksperimento