Pages

Wednesday, September 14, 2011

Sa Pamantasang Walang Pantas

Patalino nang patalino ang sangkatauhan, sangkabataan, sanlipunan ngayon. Nauubusan na tayo ng mga taong walang opinyon—lahat may masasabi, lahat may boses. Lahat inaakalang ang pagiging opinyonado ay pagiging matalino. Masyado na tayong matalino na nakakalimutan na natin ang kahulugan at kahalagahan ng pagiging mangmang.

Masyado tayong hinuhubog ng popular na kultura at alam nating lason ito sa atin. Lason sa lipunan ang popular na kultura at pinapanatili tayong timik, walang-unlad. At sa’n tayo dinadala nito? Pumasok man tayo sa isang pamantasan, hindi natin magaganap ang salik ng pamantasan na pagpapantas. Na ang talino natin ay talinong akala nating sapat. Mga opinyon na walang basehan, opinyong suhetibo, opinyong hindi sinusuri nang maigi.
Sa pamantasang pinapasukan ko ngayon, naubos na ang pantas. Maging ang mga tinitingala ay nawawalan na ng kapantasan at napupuno ng kapintasan. Sa pamantasang pinapasukan mo ngayon, hindi talino ngunit estado social na lang ang iniintindi at nauubos na ang pagtanaw ng kahalagahan ng estado ng intelektwal na pag-unlad. Mga sanaysay na nauubusan ng intelektwal na batayan, mga school of thought na nawawalan ng thought, mga propesor na walang propesyon, mga estudyante ng pamantasan na hindi napapantas.

Sa bawat paghangad ng pagtaas ng kalidad ng edukasyon, lalong bumababa. Estado ma’y pinapabayaan na ang edukasyon. Ang kabataan nga daw ang pag-asa ng bayan.