Hindi sa lahat ng panahon, tayo yung dapat na iniintindi. Hindi tayo bata para laging magpasuyo sa mga lalaki. Hindi sa lahat ng panahon, tayo ang niloloko. Wow naman, sa panahon ngayon, marami na ring mga babae ang madalas nagloloko. Kaya nga hindi ko masisisi yung iba (hindi ko nilalahat) kung bakit paminsan, puro negative ang mga nagiging comments sa ating mga babae. Madalas kasi, kahit alam natin na taken na yung lalaki, lalapit at lalapit ka pa rin dahil mahal mo siya. Ang lumalabas, hinahayan mong maging miserable ang buhay ng isang kapwa mo babae dahil lang sa miserable ang buhay mo. Dahil lang sa hindi ikaw ang mahal ng taong mahal mo.
Hindi sa lahat ng panahon, babae ang mas nagmamahal. At hindi rin naman laging babae ang MAS nasasaktan. Kung tutuusin, mas makahulugan para sa akin ang malamang nasasaktan ang isang lalaki. Bakit? Kasi parang bago sa pandinig ko. Usually kasi, babae ang madalas umiyak at masaktan. Pero ang lalaki? Siguro nga magaling silang magpanggap, dahil kilala natin sila bilang matatag. Pero naisip mo rin ba na hindi sa lahat ng oras e wala silang pakialam? Marunong din silang masaktan.. Sadyang hindi lang nila ito ipinangangalandakan.