Pages

Monday, March 12, 2012

Paibayuhin – Pag-aaral at Pagsasalita ng Sariling Wika

Matagal nang nangyayari ang ikinatatakot ng mga eksperto sa pag-aaral ng iba’t-ibang wika. Hindi lamang ang mga hayop at halaman ang permanenteng nawawala (extinction) dito sa mundo, pati na rin ang mga lenggwahe.

Noon pa lamang sa panahon ng mga mananakop na Romano, at gayun din sa iba’t-ibang parte ng mundo, ay tinuturuan at hindi-diretsahang pagpilit ng pag-aaral ng kanilang wika sa kanilang nasasakupan. Oo, hindi lamang relihiyon, uri ng pamumuhay, uri ng pagpapalakad ng gobyerno at imperyo; pati na rin ang lenggwahe ng mga mananakop ay ipinapalaganap nila sa kanilang mga nasasakupan. Mas lumala pa ito noong dumating ang Panahon ng Eksplorasyon, kung saan ang mga mananakop na Portuges at Kastila. Pati na rin ang mga mananakop na Ingles, Pranses, Aleman, Dutch, at iba pa ay ginawa rin ito sa kanilang mga nasasakupan.

Ngunit, isang magandang ideya ang naisip ng mga mananakop na Kastila. Napag-alaman at na-obserbahan nila na mabilis silang nakasasakop ng mga dayong lupain kapag sila mismo ang nag-aral at gumamit ng wika ng mga tribo at teritoryong kanilang nasasakupan. Isa itong magandang pangitain sa lagay ng wika ng mga nitibo. Gayunpaman, sa lagay ng Pilipinas, mukhang nahirapan ang mga mananakop na pag-aralan ng mabuti sa wika at uri ng alpabeto at pagsusulat ng mga sinasakop nila. Mas madali para sa kanila na gamitin ang Latinong alpabeto habang sabay na ginagamit at sinasalita ang wika ng mga nitibong taong nakatira sa mga isla ng Pilipinas. Kaya’t ipinalaganap nila ang Latinong alpabeto kapalit ng nakasanayang Alibata. Mas naging madali nga ang komunikasyon sa pagitan ng dalawang panig, ngunit nabahiran pa rin ang isa sa parte ng kanilang kultura.

Dahil sa mabilis na pag-usbong ng globalisasyon, modernisasyon at impluwensya ng mga dayuhan sa maraming bansa sa mundo, kinailangan nila na makisabayan sa galaw ng bawat nasyon (pagiging globally-competitive). Umusbong na nga ang Ingles bilang wikang unibersal. Kinilala naman ito ng halos, kung hindi, lahat ng organisasyong internasyunal sa mundo. Napipilitan na naman ang marami na pag-aralan ito.

Kung ating susumahin ang pagkakatulad ng mga bansang mauunlad, isa sa mga mapapansin natin ay ang kanilang wikang ginagamit. Sariling wika ng kanilang sariling bansa ang kanilang ginagamit. Aleman ang opisyal na wika ng Alemanya, Pranses sa Pransya, Bahasa Melayu sa Malaysia, Rusyo sa Rusya, at marami pang iba. ‘Yan pa lamang ay pinatutunayan na na hindi natin kailangang pag-aralan ang wika ng ibang kultura upang umunlad. Marahil nga ay malaking oportunidad ang maaaring dala nito sa atin sa pandaigdigang estado, ngunit hindi naman talaga ito esensyal. Nakalulungkot lamang at tinatangkilik pa ng marami ang mga gawa at kanta ng mga dayuhan kesa sa sarili natin. Talagang mahihirapang umunlad bansa. Ngayon, pati na rin ang mga rehiyunal na lenggwahe ay nanganganib na rin na mawala dahil sa malakas na impluwensiya ng Tagalog sa bansa. Minamaliit kasi ng marami ang mga taong may accent dahil kakaiba ito sa kanila. Natural lamang ‘yon, pero kailangang respetuhin. Kaya may tinatawag tayong rehiyunalisasyon upang malaman natin ang ating pagkakakilanlan. Mayroon tayong sari-sariling mga wika at dapat natin itong pag-aralan, paibayuhin at parating gamitin. Ito ay isang napalaking parte ng ating kultura. Magiging isang masaklap na pangyayari sa buhay ng isang tao ang pagkakalimot ng kanyang wikang kinalakhan dahil sa paggamit ng ibang wika. Nararapat na na magkaroon na lamang na iisang lenggwahe kung saan ay pwedeng magkaintindihan ang lahat. Ang importante ay ang pag-preserba ng sariling wika.