Ang edukasyon na meron ka ay hindi awtomatikong nagsasaad ng katalinuhan mo. Ang konsepto ng katalinuhan, para sa akin, ay hindi nasusukat sa mga bagay na alam mo, kundi sa kung paano mo ginagamit ang mga ito, lalo na sa mga oras na hindi mo alam ang gagawin mo.
Siguro nga e nag-aaral ka ngayon sa isang prestihiyosong paaralan — sikat at pangmayaman — kung saan ka tinuturuan paano mag-analisa ng mga sikat na literatura ng mga sikat na manunulat, mga komplikadong diskusyon at mga argyumento. Maari ring naipasa na sayo ng mga professor mo ang mga kaalaman nila. Tipong kaya mo na ring sumulat ng mga malalalim na opinyon tungkol sa mga bagay-bagay. Pero alam mo, hindi sapat ‘yun para magmayabang ka at magmataas sa iba. Oo, marami kang alam. Halos lahat ng tinuro sayo memoryado mo na. Pero para sa akin, isa ka lang kantang paulit-ulit na tinutugtog, isang sirang plaka.. isang konseptong hindi na orihinal at walang pinagkaiba.
Sabi ng mga scientist na sa tuwing may natututunan tayong bago, may mga bagay na naiiba sa utak natin at a cellular level kaya may mga bagay rin tayong nakakalimutan. Kaya ka siguro ganyan, marami ka nang natutunan kaya nakalimutan mo na ang iyong wastong pag-aasal. Nakalimutan mo nang magpakumbaba. Nakalimutan mo na kung paano tratuhin ang mga tao ng tama — mapa-anumang estado nila sa buhay — mayaman man o mahirap; malinis man o gusgusin; matalino man o hindi. Nakalimutan mo nang iba-iba tayo dito sa mundo. At dahil dun, mas ignorante ka pa sa mga taong tingin mo ay walang alam.
Sana alam mo na ang pagiging matalino ay hindi lang base sa mga facts at impormasyong napupulot sa mga libro at sa internet, kundi pati na rin sa kung paano mo dinadala ang sarili mo bilang TAO. Siguro habang binabasa mo ‘to marami kang nakitang grammatical error, pati na rin ang pagkaka-organisa ng mga naisip ko. Pasensya na pero wala akong pakialam. Ang gusto ko lang naman ay makuha mo ang punto ko. ‘Yun lang.