Pages

Thursday, September 8, 2011

Reklamador Nation


Ilang beses kong nabasa ngayon ang mga katagang “reklamo kayo nang reklamo, wala naman kayong ginagawa para umunlad” at “ang pagbabago ay nagsisimula sa sarili” sa iba’t ibang baryante at iba’t ibang pagkakamali sa paggamit ng balarila. Hindi ko alam kung kelan ko sinimulang alimurahin ang pag-iisip na ganito. Na kesyo naninisi ang iba kahit na walang ginagawa, kahit na mga tambay, nakikisisi sa mga kasamaang-palad na tinatamasa nila—na wala silang karapatang sisihin ang gubyerno dahil wala silang ginagawa para sa sarili nila. Kaunti pa lang ang nababanggit ko pero unti-unti ko nang gustong sabihin at ilabas ang sentimyento ko sa mga taong pilit na tinutunggali ang mga tumutunggali. Na ang mga taong walang magawa para sa sarili nila ay nagkukubli sa kanilang mga kawalang-silbi dahil sila rin ay natatakot tumunggali sa mga bagay na hindi nila kayang gawin para sa sarili nila.

Isang araw lang naman ang kinailangan ko para mabago ang pananaw ko sa mundo. Hindi ko naman talaga siya kinailangan dahil kusang lumapit ang liwanag na tumapat sa pikit kong mga mata. Hindi man siya tunay na liwanag dahil dilim lang ang nakita ko pagdilat dahil walang tanglaw ang ibinabanderang araw at bituin ng ating watawat. Ni walang puti ang puting nakapaligid dito. Ang asul ay nagmimistulang itim at ang pula sa ilalim ay pilit ding isinasama sa dilim ng estado ng bayang magiliw

Pero ano nga ba ang dapat na pamantayan para makapagreklamo ka? Dapat ba ay may naia-ambag ka sa bayan para makapagreklamo ka? Para ba itong Timezone na kailangan munang may credits ang iyong Reklamo Card para makapagreklamo ka sa bawat istasyong pagrereklamuhan? Kailangan bang may estado ka sa buhay at hindi ka mababang-uri bago makapagreklamo? Hindi ko alam kung ano ang batayan ng mga taong nagsasabing “gumawa ka muna sa sarili mo kung gusto mo ng pagbabago” para sabihin nila ‘yon sa mga mabababang-uri na walang kapasidad para umunlad dahil pinipigilan ito ng mga nakatataas na uri na kung susumahin ay kakarampot lamang dito sa ating bansa. Na ang mga naghaharing-uri ay halos iisang bahagdan lamang ng buong populasyon ng Pilipinas. Na ang mga gitnang-uri ay nagmamataas dahil alam nilang hindi sila kabilang sa nakararaming nakabababang uri kahit na tinatapakan pa rin sila ng iilan… Kaya ba ang tingin na lang nitong mga gitnang-uri sa mga babang-uri ay walang karapatan para magreklamo dahil pakiramdam nila ay malaki na ang naiaambag nila sa bansa? Hindi ba’t nakakatapak ito ng dangal ng malawak na bilang ng mga maralita nating kababayan? Na kailangan mo munang umunlad para magkaboses. Na kailangan, may yaman ka para maging mamamayang lumalaban. Na kailangan, hindi ka dukha para hindi ka kundenahin sa iyong pagkukundena

Medyo matagal na panahon na, ilang taon na rin ang nakalipas nang magkaro’n ako ng matatag na pundasyon sa aking sariling pananaw at ang aking politikal na pag-anib sa ideyolohiya ng kaliwa. Medyo matagal na nung una kong dinilat ang mata at ininda ang aking estadong panlipunan dahil kung tutuusin, iisang malaking tumpok tayo ng populasyon na inaalipusta ng mga nakatataas at hindi natin kailangan ng mataas na estado ng pamumuhay para lang magkaro’n ng boses. Mali ang sistema at hindi ang mamamayan. Ang estado ang nagbunga ng kamalian ng sanlipunan sa Pilipinas at hindi ang mamamayan. May mali sa sistemang panlipunan at hindi mali ang mamamayan. Marahil ay hindi niyo matanggap na sa sarili niyo ay wala rin kayong magawa kaya hindi kayo makapagreklamo sa estado na hindi naman naglilingkod sa atin. Marahil ay hindi niyo makita na ang mga mamamayan, mga kapwa niyo, ay naghihirap dahil sa bulag niyong mga mata sa maluwag at masagana niyong pamumuhay—pero ayan sila, nagrereklamo at nananawagan para sa kanilang mga karapatang sibil. Marahil ay natanggap niyo na ang kasinungalingang walang magagawa ang mga panawagan para magbago ang lipunan. Marahil nagsawa ka na sa mga isyung naglilipana. Marahil, marami pang dahilan… Ngunit may mali sa lipunan at hindi mali ang mamamayan kaya ang mamamayan ay nananawagan at hindi basta nagrereklamo at naninisi. Nananawagan sa pagbabagong panlipunan na sasalba sa bawa’t isa. Na sa pagbabagong panlipunan lang, sa pagrereklamong inyong tinutukoy, magkakaro’n ng tunay na pag-unlad ang ating bansa.

Na nasa kolektiba at sama-samang pagkilos, at hindi sa hiwa-hiwalay at isa-isang pag-unlad, nakikita ang pagbabago.