Alam nating napaka-komplikado ng pag-ibig. Ang hirap ipaliwanag, ang hirap minsan ipadama, ang hirap minsan intindihin. Pero sa kabila ng mga paghihirap, dun mo mararanasan ang sarap nito. Inaamin kong hindi ako eksperto sa pag-ibig, pero dumaan na din ako sa tinatawag nating pagiging “heartbroken”, kaya nasasabi ko ang mga bagay na ito.
Ang pag-ibig ay parang pag-aaral ng skateboarding. Hindi ka matututo hangga’t hindi ka nagkakamali. Minsan nahuhulog ka sa skateboard, minsan nakakatama ka sa kung saan, minsan nagkakasugat. Ganyan din kapag nagmamahal ka, hindi ba?
Pero tuwing masasaktan ka, tandaan mo, na ang bawat pagkakamali at bawat sugat na matatamo ay siya ring magpapalakas sayo. Nasa sayo na yan kung anong klaseng lakas ang magiging epekto nito sayo. Pero maniwala ka man o hindi, pinapatatag ka nito bilang isang tao.
Oo, masasaktan ka kapag nagmamahal ka. Natural lang yan. Parte na yan ng buhay. Ang dapat mo na lang gawin ay lakasan ang iyong loob at harapin ang mga pagsubok nito. Wag kang sumuko, pilitin mong matuto.